Balik-kulungan ang dalawang lalaki na labas-pasok na umano sa bilangguan matapos silang arestuhin dahil sa magkasunod na pagholdap sa dalawang convenience store sa Rizal. Ang isa sa mga suspek, kalalaya lang noong Disyembre.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing magkasunod na hinoldap ng dalawang suspek ang dalawang convenience store sa Rodriguez, Rizal noong Biyernes.

Sa security camera ng isang tindahan, makikita na isang suspek lang ang pumasok sa loob na armado ng baril nang mangholdao. Pero sa isa pang tindahan, dalawa na silang umatake at kinuha ang pera sa kaha.

Ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director, Rizal Provincial Police Office, modus ng dalawang suspek na nagkukunwaring bibili sa tindahan bago isagawa ang pagholdap.

Dahil walang takip ang mukha ng dalawa nang gawin ang krimen, kaagad silang natukoy at kaagad na nahuli sa magkahiwalay na lugar.

Nakuha rin ang baril na ginamit nila sa panghoholdap.

Napag-alaman din na nakagamit ng ilegal na droga ang dalawa nang gawin ang krimen.

Hindi na nila itinanggi ang krimen at idinahilan na nagawa nilang mangholdap dahil sa mahigpit na pangangailangan.

"Maysakit po kasi anak ko. Dala lang din ng pangangailangan," ayon sa isang suspek.

Pahayag naman ng isa pang suspek, "Kunwari namimili muna kami ng bibilhin. Tapos pagka babayaran na doon na sasabihing 'nakaw,' manghoholdap po."

Ayon kay Maraggun, pabalik-balik na sa kulungan ang dalawa mula pa noong 2013, at nasangkot sa mga kasong robbery, illegal drugs, carnapping, at serious physical injury.

Ang isa sa kanila, kalalaya lang noong December 17.

Mahaharap na naman sila ngayon sa mga kasong robbery, illegal drugs, at illegal possession of firearms.--FRJ, GMA Integrated News