Wala nang malay at tumatagas ang dugo mula sa pulso nang isugod sa ospital ang isang lalaki sa Patnongon, Antique. Ang sugat na tinamo niya sa pulso, gawa ng isang malaking sawa na sumakmal sa kaniya. Makaligtas pa kaya siya.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni John Mark de Dios na nagluluto sila para sa ihahanda noong Pasko nang makarinig siya ng sigaw na may humihingi ng tulong.

Nang dumating sila sa lugar na pinagmulan ng humihingi ng tulong, nakita nila ang kanilang 40-anyos na kapitbahay na si Tito Patricio III, na nanghihina nang nakaupo sa tabi ng ilog at halos naliligo na sa sariling dugo.

Nakakagat pala sa pulso niya ang isang malaking sawa at nakapalupot pa sa kaniyang baywang.

Bago ang insidente, nanghuhuli si Tito ng isda at hipon sa ilog gamit ang tinatawag na paduyan o net na tila kulambo.

Nang alisin ni Tito ang mga sanga ng puno na sumama sa paduyan, doon na niya nakita ang malaking ulo ng sawa na kasinglaki ng braso.

Huhulihin sana niya ang sawa pero bigla raw siyang nilingkis nito hanggang sa makagat na siya sa pulso at doon na umagos ang maraming dugo.

Nang dumating sina John Mark, sinubukan nilang alisin sa pagkakapalupot at pagkakagat ang sawa kay Tito pero nabigo sila.

Kaya wala nang ibang naisip na paraan pa sina John Mark kung papaano sasagipin ang nanghihina at namumutla nang si Tito kung hindi ang patayin ang sawa sa pamamagitan ng pagputol sa ulo nito.

Bagaman natanggal na sa pagkakapulupot at kagat ang sawa, nanatiling delikado ang buhay ni Tito na nawalan na nang malay dahil sa dami ng dugo na nawala sa kaniyang katawan.

Ilang minuto pa ang lumipas bago dumating ang ambulansiya na nagdala sa kaniyang sa pagamutan.

Kaagad na sinalinan ng dugo si Tito sa ospital, at pagkaraan ng ilang araw na pagkakaratay, naisalba ang buhay ni Tito. Pero nag-iwan ng malaking sugat na kinailangang tahiin ang kagat ng sawa sa kaniyang pulso.

Ayon kay Tito, hindi niya inasahan na may mahuhuling sawa sa kaniyang paduyan. At sa kabila ng kaniyang sinapit, patuloy daw siyang manghuhuli ng isda gamit ang paduyan dahil doon lang sila kumukuha ng pang-ulam ng kaniyang pamilya.

Gayunman, magiging mas maingat na siya sa susunod.-- FRJ, GMA Integrated News