Lalaking suspek sa pang momolestiya ng dalawang menor de edad na anak ng kanyang live-in partner, arestado sa Morong, Rizal.
Sa bisa ng arrest warrant, naaresto ng pulisya ang 24 anyos na suspek sa Barangay San Pedro, Morong Rizal alas 3 ng hapon noong Martes.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen matapos ang salu-salo ng kanilang pamilya noong Hunyo.
"After nilang mag-dinner sa isang restaurant sa Binangonan, Rizal, pinahatid sa kanIya itong 2 bata ... isinakay niya sa motor, pauwi na sana ng Morong. Dun nangyari yung acts of lasciviousness, yung panghihipo sa maseselang parte ng katawan ng kaniyang biktima," ayong kay Police Colonel Felipe B. Maraggun, Rizal Provincial Police office director.
Ang mga biktima, nasa edad 13 at 11 anyos.
"Nung hinatid na yung mga bata, yung mga biktima nagsumbong sa kanilang tatay at nag-report sa Binangonan Police Station at nakasuhan ng ating kapulisan," ayon kay Maraggun.
Giit ng akusado, walang nangyaring pangmomolestiya sa mga bata. Pinagbibintangan lang daw siya dahil aniya dati nang nagkaroon ng alitan sa pagitan ng kaniyang tatay at ama ng mga biktima.
"Pinagbibintangan lang po... Meron pong katibayan na ako po ay naka-detain dito... Sa korte na lang po kami magharap," saad ng suspek.
Ang lalaki, dati na ring nakulong matapos mahulihan ng droga.
Aminado siya sa paggamit ng ilegal na droga noon.
Sa custodial facility ng Morong Municipal Police Station nakakulong ang suspek na mahaharap sa kasong two acts of lasciviousness at paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of children against child abuse, exploitation and discrimination Act. — BAP, GMA Integrated News