Bigong masagip ang buhay ng isang lalaking dalawang-taong-gulang na pumanaw sa ospital isang araw matapos siyang malubog sa kaldero na may tubig na bagong kulo sa San Fabian, Pangasinan.
Sa ulat ni Jerick Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Nibaliw noong Oktubre 17, sa bahay ng kaniyang lola.
Ayon kay Vivian Navarro, lola ng biktima, nagpakulo siya ng tubig para gamitin sa kaniyang mister na maysakit.
“Nilagay ko po yung kaldero sa may gilid ng bahay namin. Pinunasan ko po yung asawa ko," sabi ni Navarro.
"Tapos bigla na lang may narinig kaming umiiyak. Ang akala namin parang nag-aaway lang sila [ng kalaro niya. Pero nung iba na yung sigaw nang bata, nung tiningnan namin, nandoon na po siya, naka-shoot sa kaldero,” patuloy ni Navarro.
Dali-dali umano niyang inalis sa kaldero ang apo at dinala sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City.
Sa kasamang-palad, pumanaw ang biktima sa sumunod na araw dahil sa matinding paso na tinamo sa katawan.
Labis ang pagdadalamhati ni Navarro sa nangyari sa kaniyang apo.
“Sorry kasi hindi namin naligtas yung buhay niya... Ang sakit isipin na kung malaki kapag napaso masakit na, paano pa kaya pag nalublob sa loob ng mainit na tubig — kaya ang sakit sa amin," emosyon niyang pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News