Patay na nang matagpuan ng mga pulis ang isang ama at ang kanyang anak na lalaki sa gilid ng isang kalsada sa Licuan-Baay, Abra.

Nakilala ang mga biktima na sina Alex at Richard Boreta, ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Lunes.

Ayon sa pulisya, may tama ng bala ang mga biktima at parehong ginilitan.

May tape din ang bibig ng nakababatang biktima.

Na-recover ng mga awtoridad sa parehong lugar ang apat na basyo ng bala mula sa magkakaibang baril.

Ayon sa asawa at ina ng mga biktima, nagpaalam lang ang mag-ama na lalabas sila sandali ngunit hindi na sila nakabalik.

Inaalam pa ng mga pulis ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang salarin. —KG, GMA Integrated News