Isang lalaking sanggol ang natagpuang nasa loob ng eco bag at iniwan sa kulungan ng manok sa Agoncillo, Batangas.

Sa Facebook post ng lokal na pamahalaan, nakasaad na nangyari ang insidente nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay Subic Ibaba.

Nakapatong umano ang eco bag na kinalalagyan ng sanggol sa isang sako ng patuka o pagkain ng mga manok.

Ang ginang na si Malou De Leon ang nakakita umano sa eco bag nang kukunin sana niya ang ibinebentang manok.

Nang silipin niya kung ano ang laman ng eco bag, tumambad ang isang sanggol na lalaki.

Kaagad umanong nagtungo sa lugar ang mga kinauukulang ahensiya ng lokal na pamahalaan, at mga barangay official upang alamin ang nangyari at kalagayan ng sanggol.

Ligtas naman ang sanggol na nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office.

Patuloy rin inaalam ng mga awtoridad kung sino ang ina ng sanggol. --FRJ, GMA Integrated News