Patay ang isang tricycle driver matapos siyang saksakin ng kapuwa niya tricycle driver sa Calasiao, Pangasinan. Ang ugat umano ng krimen, agawan sa pasahero.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ryan Agpoon, na hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Naaresto naman ang suspek na si Al Suarez, na hindi na nagbigay ng pahayag.

Nangyari ang krimen sa Barangay San Vicente, ilang metro lang ang layo sa barangay hall.

Ayon sa barangay kagawad na si Alberto Roy, maayos naman ang dalawa at inilarawan niyang tahimik ang nasawing si Agpoon.

Inihayag naman ng pulisya na lumalabas sa imbestigasyon na dati nang may alitan ang dalawa ang sinasabing agawan sa pasahero ang ugat ng away ng biktima at suspek.-- FRJ, GMA Integrated News