Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng kaniyang mga kaibigan sa kaniyang bahay sa Rodriguez, Rizal dahil umano sa onsehan sa ilegal na droga.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang pamamaril sa mismong tahanan ng 34-anyos na biktima sa Barangay San Isidro, noong 11:00 am ng Sabado.

"Bago po mangyari ang insidente, itong suspek po natin ay nakita ng ating witness na papunta po sa bahay ng biktima. Then... nakarinig sila ng putok. Then nakita naman po nila itong dalawang suspek natin na papatakas po, papalayo po sa bahay ng biktima," sabi ni Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, Chief, Rodriguez Municipal Police.

Mga tama ng bala sa likod at iba pang parte ng katawan ang tinamo ng biktima.

Narekober din sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng .45 na baril.

"Wala kami na ibang tinitingnan anggulo kundi onsehan po ito Ma'am sa droga dahil kung makikita po natin ang crime scene doon mismo sa loob ng bahay nakakalat pa po ang mga drug paraphernalia na nandoon po sa upuan,” sabi ni Selencio.

Isa umanong drug personality ang biktima na dati nang nabilanggo. Samantalang may dating kasong illegal drugs, robbery at rape ang dalawang suspek sa pamamaril.

Patuloy ang manhunt operation ng pulisya sa dalawang salarin, at ang pagkalap ng mga CCTV footage sa mga lugar ng insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News