Bangkay na nang makita sa isang palayan ang 72-anyos na senior citizen na dalawang araw nang nawawala sa Tayum, Abra.

Sa ulat ni Cris Zuñiga ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing huling nakita ang biktima ng kaniyang mga kaanak noong Linggo.

Martes na nang matagpuan ang lalaki sa palayan na ilang metro ang layo sa kanilang bahay.

Posibleng nanggaling daw ang lalaki sa gubat dahil nakita doon ang kaniyang tsinelas.

Hindi rin nakitaan ng sugat ang senior citizen.

Hindi na pina-autopsy ng mga kaanak ang bangkay sa paniniwalang walang nangyaring foul play sa kaniyang pagkamatay. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News