Nakumpirma sa resulta ng awtopsiya na ginahasa ang walong-taong-gulang na babae na nakitang patay at nakasilid sa sako sa Taytay, Rizal. Ang suspek, nadakip na.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay at paghanay sa batang si Rylai Kaye Barrun nitong Biyernes dakong 11:00 p.m.

Nitong Miyerkoles, Setyembre 11 bandang 6 p.m. inakala ng ina ng bata na nagpapahinga lang ito sa kanilang silid.

Ngunit pasado 8 p.m. nang mapansin nila na wala pa rin ang bata. Kaya kinabahan na sila at hinanap ito sa mga kapitbahay na maaaring nakakita sa kaniya.

Nang suriin sa CCTV camera sa kanilang lugar, nakita nakikipaglaro pa ang bata sa kanilang kapitbahay bandang 6:30 p.m.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Gaylor Pagala na natuklasan ng mga residente ng Lupang Arenda ang isang sako at doon nakita ang kaniyang bangkay.

Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng bata at lumitaw sa resulta nito na positibong ginahasa ang biktima at pinatay sa sakal.

Kaagad na bumuo ng dalawang team ang Taytay Police na nagsagawa ng backtracking hanggang sa matukoy ang suspek at maaresto.-- FRJ, GMA Integrated News