Isang barangay chairman ang nakaligtas habang sugatan ang kaniyang asawa matapos tambangan ang kanilang sasakyan sa Davao City. 

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing hindi tinamaan ang kapitan ng Barangay Datu Salumay, ngunit tinamaan ng bala sa tuhod ang kaniyang asawa.

Lumabas sa imbestigasyon na habang binabaybay ng mag-asawa ang Bukidnon Road, dalawang salarin ang humarang sa kanilang SUV at pinaulanan sila ng bala.

Patuloy ang pagtugis sa mga salarin at inaalam pa ang motibo sa krimen.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News