SARIAYA, Quezon - Umakyat na sa walo ang bilang ng mga nasawi sa malagim na aksidente sa Sariaya, Quezon na nangyari nitong Linggo ng umaga.

Ito ay matapos masawi sa pagamutan ang isa sa pitong malubhang nasugatan.

Sa mga oras na ito ay nananatili pa sa ospital ang anim na iba pang sugatan.

Dumating na sa Sariaya ang mga kaanak ng mga biktima.

Dakong 5:50 ng umaga nitong Linggo nang magkasalpukan ang isang delivery truck at van sa Maharlika Highway sa Sto. Cristo.

Pito ang naulat na namatay base sa spot report ng pulisya nitong Linggo.

Ayon sa report ng Sariaya Municipal Police Station, patungo sa direksyon ng Maynila ang van habang patungo naman sa Bicol ang truck.

Lumalabas sa imbestigasyon na sumalubong sa linya ng kasalubong na delivery truck ang van na naging dahilan ng matinding salpukan. Posibleng nakatulog daw ang driver nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station sa insidente. —KG, GMA Integrated News