Nahuli ang isang Philippine Cobra na nasa isang metro ang haba sa loob ng isang bahay sa Naga, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing paniwala ng mga awtoridad na naghahanap ng pagkain ang cobra kaya ito nakapasok sa loob ng bahay.
Posible ring naghahanap ang cobra ng mataas na lugar dahil sa magkakasunod na pagbaha na nakaapekto sa tirahan nito.
Nai-turn over na ang cobra sa DENR-PENRO Camarines Sur.
Paalala ng DENR sa mga residente, huwag saktan ang mga nakikita nilang ahas at sa halip, ipagbigay alam agad ito sa mga awtoridad. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News