Nasawi ang dalawang batang lalaki na magkapatid dahil umano sa pagkain ng puffer fish o isdang butete sa Lamitan City, Basilan. Tatlong kaanak pa nila ang isinugod din sa ospital.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente noong hapunan ng Lunes sa bahay ng mga biktima sa Barangay Balas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing inihain sa hapunan ang prinitong butete na kinain ng pamilya. Kinabukasan, nakaramdam na ng pagkahilo at pagsusuka ang mga biktima.
Nasawi ang magkapatid na edad apat at pito, habang dinala sa ospital ang kanilang ina, at dalawa pa nitong anak na edad siyam at dalawa.
Ayon sa punong barangay, sanay na ang pamilya sa pagkain ng isdang butete pero posibleng hindi umano naging maayos ang pagkakalinis at pagkakaluto sa isda nang mangyari ang insidente.
Kumuha naman ng sample ng puffer fish ang awtoridad para isailalim sa toxicology examination sa Provincial Forensic Unit, bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News