Patay ang isang pulis sa Mandaue City, Cebu matapos barilin ng 16-anyos na lalaki. Sinita at pinagsabihan umano ng biktima ang binatilyo para umuwi na dahil sa ordinansa ng curfew.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Orvin Seth Felicio, na nakatalaga sa Police Station 5.
Sa imbestigasyon ng pulisya, off-duty na noon si Felicio nang madaanan ang mga barangay tanod na naninita ng mga kabataan sa P. Remedios Street, Barangay Banilad na lumalabag sa curfew ordinance noong Sabado ng 12:00 ng madaling araw.
Ang suspek na umiwas sa mga tanod, kinausap ng biktima na nagpakilalang pulis para umuwi na. Pero bumunot ng kalibre .38 na baril ang binatilyo at pinaputukan ang biktima sa ulo.
Nasawi si Felicio, habang tumakas naman ang suspek.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mercy Villaro, information officer ng Mandaue City Police Office (MCPO), na sumuko rin ang suspek kinalaunan na miyembro umano ng isang gang ng mga kabataan.
Idinahilan umano ng suspek na natakot siya na makulong nang sitahin dahil may bitbit siyang baril.
Dinala na ang suspek sa social welfare office na sasampahan ng reklamong murder.--FRJ, GMA Integrated News