Patay ang isang lalaki na binugbog sa labas ng isang bar sa Iloilo, at binaril sa ulo makaraang bumalik umano sa lugar.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera sa loob ng bar sa bayan ng Favia, Iloilo, ang biktima at ilang pang kostumer na tila lasing na.

Ayon sa may-ari ng bar, may dalawang kostumer na nagpipilit pang umorder ng inumin pero hindi na sila pinagbigyan.

Nang makalabas na ang dalawa, sinita ng isa sa kanila ang isang grupo ng mga lalaki na nauwi sa pagtatalo.

Sa kuha ng CCTV camera sa labas, makikita na may pumalo sa ulo ng biktima at pinagtulugan din siyang suntukin ng iba pang lalaki.

Ayon sa ulat, bumalik pa umano ang biktima sa lugar at naghamon ng away. Pero nang umalis muli, may nadinig nang putok ng baril at nakita ang biktima na nakahandusay at may tama ng bala sa ulo.

Patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad ang mga suspek na sinasabing mga taga-Iloilo City. --FRJ, GMA Integrated News