Nasawi ang isang ina at kaniyang anak matapos silang mabagsakan ng gumuhong pader ng kanilang bahay sa gitna ng walang tigil na pag-ulan sa Angeles, Pampanga.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing narekober ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang bangkay ng mag-ina mula sa tambak ng mga debris at lupa.

Naninirahan ang mga biktima sa tabi ng Abacan River sa Barangay Pampang.

Inilahad ng Angeles CDRRMO na gumuho ang lupa malapit sa kanilang tahanan nitong Huwebes dulot ng halos walang tigil na pag-ulan.

Nagtamo naman ng sugat ang padre de pamilya, na nagpapagaling sa ospital. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News