Patay na nang matagpuan sa isang bakanteng lote ang isang babaeng siyam na taong gulang nitong Miyerkules, isang araw matapos siyang hindi makauwi sa kanilang bahay sa Lamitan City, Basilan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing nagpaalam sa kapatid noong Martes ng gabi ang biktima na mangunguha ng bumagsak na mga mangga sa kapitbahay.

Pero hindi na nakauwi ang biktima hanggang sa makita ang kaniyang bangkay sa madamong bahagi ng Barangay Limook nitong Miyerkues.

Ayon sa pulisya, nakapalupot sa leeg ng biktima ang pajama nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Hinihinala rin ng mga awtoridad na ginahasa ang biktima.

Sa follow-up operation, isang lalaki na 65-anyos ang inaresto ng mga pulis batay sa impormasyon ng saksi.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek at patuloy pa ang imbestigasyon.

Sasampahan siya ng reklamong rape with homicide ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA Integrated News