Mala-debut ang birthday celebration ni Amy Perez sa "It's Showtime" nitong Huwebes, na hinandugan siya ng tatlo niyang paboritong awitin na "Jesus,Thank You" "Never My Love" at "Come What May." Ano nga ba ang koneksyon ng mga ito sa buhay ng "T'yang ng Bayan?"
Paglalahad ni Amy sa kaniyang mga co-host, hindi niya naranasan noon ang mag-debut party sa kaniyang kaarawan noon dahil pinili niya ang regalo ng kaniyang ama na mag-travel.
Kaya nagpasalamat siya sa kaniyang "It's Showtime" family sa mala-debut na birthday celebration na ibinigay sa kaniya, kung saan hinandugan siya ng tatlo niyang paboritong awitin.
Ayon sa TV host-actress, ang "Jesus, Thank You," ang araw-araw na pinapatugtog niya sa sasakyan kapag papasok sa trabaho.
"Praise and worship ko kay Lord. Everyday na tayo ay nagigising, buhay, may blessing again kaya Jesus, Thank You," pagbahagi niya.
Samantala, ang "Never My Love" naman daw ang kinakanta ni Amy sa kaniyang mga anak mula noong baby ang mga ito.
"Tapos hanggang sa lumaki na sila, natutunan na rin nila yung kanta din. And 'yon song ko for them," patuloy niya.
Habang ang "Come What May," sinabi ni Amy na awitin na alay niya sa kaniyang asawa na si Carlo Castillo dahil sa mensahe nito, lalo na ang unang linya.
"Yan 'yung kanta sa wedding namin [na kinanta] ni Agot Isidro. 'Yan talaga yung message ko sa kaniya. Kasi sobra, the way he looks at me and the way he treats me parang like nobody else," paliwanag niya.
Taong 2014 nang ikinasal sina si Amy at Carlo, at mayroon silang dalawang anak na sina Kyle at Seyah. May isa pang anak si Amy na si Adi, mula sa dati niyang karelasyon.
Sa isang episode ng Fast Talk with Boy Abunda, sinabi ni Amy na "everything" niya si Carlo.
Sa naturang panayam din, ibinahagi ni Amy ang kakaibang hinala ng bunso niyang anak na si Seyah tungkol sa kung ano ginawa niya sa dati niyang partner. Panoorin ang video at alamin kung ano ito.
--FRJ, GMA Integrated News