Kahit inaasahan na ng isang fur mom na malapit nang mawala ang kaniyang alaga dahil maysakit ito, hindi pa rin niya naihanda ang sarili sa kalungkutang madarama nang dumating na ang kinatatakutan niyang araw.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, inilahad ng fur mom na last year nang ma-diagnose na mayroon nang kidney failure ang kaniyang alaga.

Tila binuhusan daw siya ng malamig na tubig nang malaman niya ang sakit ng alaga dahil alam na niya na ilang buwan na lang ang maaaring itagal para makasama niya ang kaniyang aso.

Hanggang sa isang araw nitong Agosto, makikita sa CCTV footage sa loob ng kanilang bahay ang pagsilip sa kaniya ng alaga at pagtabi malapit sa kaniyang higaan, at namaalam na.

"Kung may magagawa lang yung magmamalam mo para madugtungan ang buhay niya, siguro buhay pa po siya ngayon," saad ng fur mom.

Gayunman, sadyang wala na raw magagawa pa ang pagmamahal ng isang tao kung sadyang mas maigsi lang ang buhay ng mga alaga. -- FRJ, GMA Integrated News