Napatanong ang mga Kapuso at Madlang Pipol kung engaged na nga ba sina Bianca Umali at Ruru Madrid dahil sa sinabi ng aktres sa "Kalokalike" ng kaniyang nobyo na kasali sa naturang segment ng "It's Showtime" noong Martes.

Sa naturang episode ng noontime show, guest judge sa Kalokalike: Face 4 si Bianca na aliw na aliw na nakipagkulitan sa kamukha ni Ruru na nagngangalang Kevin mula sa Quezon City.

Sa palitan ng kulitan ng dalawa, sinabi ni Bianca sa gumagaya sa kaniyang nobyo na, "Nagsabi ka sa 'kin papakasalan mo ako."

Kaya naman sa isang event na dinaluhan ni Ruru, tinanong ng GMA News "24 Oras" ang aktor tungkol sa pangakong kasal kay Bianca.

"Simula naman nung unang beses kong nakasama't nakilala si Bianca, pinangakuan ko na siya agad. Hanggang pangako lang muna tayo," sabi ng aktor.

Nang tanungin kung kailan ang kasal, sabi pa ni Ruru, "Malalaman natin 'yan sa susunod na kabanata."

Anim na taon nang magkarelasyon sina Bianca at Ruru, at isinapubliko nila ito noong 2022.-- FRJ, GMA Integrated News