Inilahad ni Barbie Forteza na nakabasa siya ng ilang komento na hindi umano siya isang magaling na aktres dahil hindi siya nagpapahalik sa kissing scenes nila ni David Licauco sa "Pulang Araw." Ano naman kaya ang reaksyon niya rito?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing binisita ng GMA Integrated News ang set ng "Pulang Araw" sa Mexico, Pampanga at nakapanayam ang tambalan nina Barbie at David para sa podcast na "Updated with Nelson Canlas.''

Candid sina Barbie at David nang sagutin ang ilang tanong gaya ng paghanga nila sa isa't isa sa kanilang work ethics.

"Kahit sino naman ang i-partner kay Barbie magki-click, magaling siya eh," sabi ni David.

"Siguro kasi si David ay ano siya eh, nonchalant. So katulad ngayon kahit everyone around him is praising him, hindi niya ipinapaabot sa ulo niya. And he's more focused on improving his work, his craft. And nakikita mo rin sa kaniya 'yung willingness niya," tugon naman ni Barbie.

Ngunit sa parehong panayam, inamin din ni Barbie na may ilang fans ang hindi naka-a-appreciate sa ilang eksena, partikular sa kanilang kissing scenes.

"Nag-ba-bash. Hindi raw ako magaling na actress kasi hindi raw ako nagpapa-kiss," kuwento ni Barbie.
Sa halip na malungkot, natawa na lamang si Barbie.

"Ayun pala 'yung batayan?" sabi niya.

Napanood sa August 23 episode ng Pulang Araw ang mga karakter nina Adelina (Barbie) at Hiroshi (David) na naghahalikan.

“Actually habang iniintay namin ni David ng 'magkakiss' bago lumabas si Sanya sa eksena, di ko sure kung dapat ba pumikit ako o dumilat kase si David, nakadilat at nakatingin lang saken. BWAHAHAHAHAHAHAHA!!!!” saad ni Barbie sa X (dating Twitter).

“Nataranta si self ng very light hahahaha!!!” pagpapatuloy niya.

Ang Pulang Araw ay tungkol sa apat na magkakaibigan na sina Adelina (Barbie), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David), at Eduardo (Alden Richards).

Sa pag-usbong ng digmaan sa kanilang bayan at pagsakop ng mga Hapon sa Pilipinas, masusubok ang kanilang mga pangarap, pagkakaibigan, at katapatan, na hahantong sa kanilang paglalakbay ng pagkadiskubre sa sarili at katatagan sa buhay.

Napanonood ang Pulang Araw sa GMA Prime tuwing 8 p.m. at sa Netflix.  — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News