Umakyat na sa 30 ang mga nasugatan sa maagang pagsabog ng ididispatsang mga pumutok na ginawa sa isang firing range sa Zamboanga City.
Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa GTV Balitanghali nitong Martes, sinabing 19 sa mga nasugatan ay mga tauhan ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at Philippine Marines.
Habang pawang mga sibilyan naman ang iba pang biktima.
Sinabi ng mga awtoridad na ang mga paputok ay nagmula sa isang bodega ng mga paputok na nasangkot sa isang aksidente noong Hunyo 29.
Naramdaman ng mga residente sa sentro ng Zamboanga City ang naganap na pagsabog sa Barangay Cabatangan Lunes ng hapon.
“Para akong nabingi na, nanginginig ako. Hanggang ngayon nanginginig kami sa takot,” ani Laylin Go-on, residente.
Ayon sa naunang ulat sa "24 Oras," sinabing nasira ng pagsabog ang isang bahay, simbahan, at iba pang mga installation malapit sa firing range ng militar. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News