Nahuli-cam ang isang lalaki na tinangay ang isang bisikleta na naka-set up sa Calasiao, Pangasinan. Ang suspek, iniwan naman ang bisikleta na una niyang gamit bago gawin ang pagnanakaw.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang suspek na sakay ng bisikleta sa Barangay Bued at tumigil sa labas ng gate.

Bumaba ng bisikleta ang suspek at pumasok sa bakuran. Maya-maya lang, lumabas ang lalaki na may hatak na mountain bike at kaniyang sinakyan nang tumakas.

Ang unang bisikleta na kaniyang ginamit, iniwan niya sa lugar.

Ayon sa may-ari ng nawalang bisikleta, iniwan niya ang kaniyang mountain bike sa harap ng bahay ng kaniyang kaibigan para maglaro ng basketball.

"Nakakapanghinayang kasi ‘yung sentimental value din, kaya masakit kahit bihirang magamit," ayon kay Evander Manaois.

Gumastos daw siya ng mahigit P30,000 para mapaganda ang bisikleta.

Habang ang bisikleta na iniwan ng suspek, hinihinala ni Manaois na baka nakaw din lang.

"Ito ‘yung iniwan niyang bike, hindi namin sure kung nakaw rin o sa kanya; pero possible [na] nakaw rin kasi mabilis niyang iniwanan. Hindi niya ito basta-basta iiwan kung sa kanya," sabi ng biktima.

Humihingi ng tulong si Manaoais sa barangay na maibalik sa kaniya ang kaniyang bisikleta.

"Gagawan natin ng paraan para maibalik ‘yung bisikleta, hahanapin natin. Makikipag-ugnayan tayo sa Barangay Cabilocaan," ayon kay Marcial Pereyras, Barangay Councilman ng Bued.-- FRJ, GMA Integrated News