Isang lalaki na magpapahangin sana ng gulong ng kaniyang motorsiklo ang nasawi nang sumabog ang isang malaking gulong na binobombahan ng hangin sa isang vulcanizing shop sa Camalaniugan, Cagayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing June 18 ng umaga nang magpunta sa vulcanizing shop sa Barangay Luec ang biktimang si Jimmy Vallanca, 67-anyos, para magpahangin ng gulong ng kaniyang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, isang malaking gulong ang binobombahan naman ng hangin nang sandaling iyon na biglang sumabog at tinamaan ang biktima.

Sa lakas ng pagsabog, nawasak pa ang bubungan ng vulcanizing shop.

Itinakbo sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot ng buhay dahil sa matinding pinsalang inabot sa katawan.

Inaresto ang tauhan ng vulcanizing shop na responsale sa pagsabog ng gulong. Nahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.-- FRJ, GMA Integrated News