Patay ang angkas, habang sugatan naman ang rider ng isang motorsiklo matapos nilang makabanggaan ang isang 6-wheel truck sa San Carlos City, Pangasinan. Ang mga biktima, galing umano sa burol.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwenes, sinabing nagkasalpukan ang dalawang sasakyan sa panulukan ng kalsada sa Barangay Magtaking.

Pumailalim sa truck ang nasugatang rider, habang hindi nakaligtas ang kaniyang angkas na nakaladkad at nagulungan ng truck.

Ayon sa pulisya, kagagaling lang ng mga biktima sa burol na pawang walang suot na helmet nang mangyari ang insidente.

"Yung truck po galing south papunta sa north, yung motor naman po galing ng west papunta po doon sa south," ayon kay Police Lieutenant Mc Kinley Mendoza, duty officer, San Carlos Police Station.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck na tumangging magbigay ng pahayag.

Hindi rin nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News