Dalawa ang nasawi sa banggaan ng isang pampasaherong bus at isang tanker truck sa Milaor, Camarines Sur. Sa lakas ng banggaan, tumilapon sa kalsada ang driver ng truck.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nangyari ang insidente nitong madaling araw ng Huwebes sa Barangay Flordeliz.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, hinihinalang nakatulog ang driver ng truck na galing sa Batangas, kaya bumangga sa kasalubong na bus na patungong Maynila.
Namatay ang driver ng truck na tumilapon sa kalsada, at isang pasahero ng bus.
Anim pang pasahero ng bus ang nagtamo ng bahagyang sugat.
"Outright, namatay ‘yung driver, and then ‘yung bus man po, aram kaitong driver na mababangga na siya. Immediately, nag-cover siya. Ang nagadan duman [ay] si nakatukaw sa seat number one,” ayon kay PEMS Arlene Regachuelo, Municipal Executive Senior Police Officer (MESPO), Public Information Officer (PIO) ng Milaor Municipal Police Station (MPS).
Nakikipag-ugnayan umano ang pulisya sa kompanya ng bus at truck para matulungan ang mga biktima, lalo na ang mga nasawi.-- FRJ, GMA Integrated News