Nadakip na ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa paggahasa at pagpatay sa isang babaeng 11-anyos na nakita ang bangkay sa bakuran ng isang paaralan sa General Trias, Cavite. Ang dahilan ng isang suspek kung bakit nagawa ang krimen, alamin.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na unang naaresto ang suspek na si Alias Rico,” 22-anyos, kalugar ng biktima.
Itinuro naman ni Rico na kasama niya sa krimen at kainuman niya na si "Alias Lito,” 35-anyos na construction worker.
Ayon kay General Trias Police chief Police Lieutenant Colonel Jose Naparato Jr., nadakip ang mga suspek sa tulong ng isang saksi na nakakita sa biktima na bumibili ng sigarilyo sa alanganing oras ng gabi.
“Nakita po niya yung bata ng alanganing oras tapos tinanong niya bakit nandun pa…Sumagot naman yung bata, yung biktima natin na “Inutusan po ako ni ‘Alyas ****’ bumili ng sigarilyo’,” ayon kay Naparato.
Lalong lumakas ang hinala ng pulisya na may kinalaman sa krimen si Rico nang umalis ito ng bahay at hindi na pumasok sa trabaho.
Ayon kay Rico, nag-iinuman sila ni Lito nang makita nila ang biktima na naglalaro malapit sa kanila, at inutusan nilang bumili ng sigarilyo.
Inamin ni Rico ang pagpatay sa biktima pero itinanggi niyang ginahasa niya ito. Pero ayon sa pulisya, positibong ginahasa ang biktima batay sa pagsusuri, at namatay sa pagsakal.
“Dinala na po namin yung babae doon sa damuhan yun po, sinakal ko po, inamin ko po na sinakal ko yung batang babae. Pero di ko po ginagahasa, wala pong nangyaring gahasa,” ani Rico.
Idinagdag ni Rico na nagawa nila ang krimen dahil "trip" lang bunga ng kalasingan. Humingi siya ng patawad sa nagawa niyang krimen.
Hindi naman malaman ni Lito kung bakit siya idinadawit ni Rico sa krimen.
“Wala po talaga kasi ‘di ko po nakita yung bata, ‘di ko rin naman siya nakita, ‘di naman kami magkasama… Bakit ganoon tinuturo niya ako, eh ang hinatid ko noong nag inuman kami e hindi naman siya kasi ‘di naman kami magkasama,” katwiran ni Lito.
Hustisya naman ang panawagan ng pamilya ng biktima.
“‘Di ko maisip kung anong meron sa kanila at ginawa nila yun kasi bata pa yun. Kaya kung ano man, ‘di ako papayag na ‘di sila talaga magbabayad ng ginawa nila,” ayon sa ama na si Reynaldo Moreño.
“Gusto ko ng hustisya, gusto ko iparanas sa kanya yung pinaranas niya sa anak ko, yun ang gusto ko mangyari sa kanila. Gusto ko pong ibalik yung death penalty sa kanila,” sabi ng ina na si Melissa.--FRJ, GMA Integrated News