Patay na at ginahasa pa ang 10-anyos na babaeng Grade 4 pupil nang matagpuan sa pinyahan sa Tupi, South Cotabato. Ang 44-anyos na suspek, napatay naman nang manlaban umano habang nasa presinto.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras Weekend," lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na May 10 nang huling makita ang biktima na papasok sa eskuwelahan.
Pero nang sunduin ng ama ang biktima, wala na ito at umuwi na umano, ayon sa security guard ng paaralan.
“Nagtaka siya na ang sabi ng guwardiya, umuwi na raw ang bata so umuwi siya. Dumating ang alas-singko ng hapon hanggang magdilim na wala pa rin ang bata na nakarating sa kanilang bahay,” ayon kay Tupi Police deputy chief Police Lieutenant Richard Ho.
Nang humingi ng tulong ang pamilya para hanapin ang bata, nakita nila ang katawan nito sa pinyahan at nakababa ang pang-ibabang saplot at may sugat sa mukha.
Naituro naman ng mga saksi kung sino ang huling nakitang kasama ng biktima at kaagad na inaresto ang suspek na kanilang kapitbahay.
“[Kapag] iba ang magtanong sa kanya, iba ang kanyang sagot. Hindi consistent yung [sagot]. Bakit andun siya sa isolated place na ‘yun? Hindi naman siya worker doon sa pinyahan,” ayon kay Ho.
Habang kinukuhaan umano ng fingerprints ang suspek sa presinto, nang-agaw ito ng baril ng isang pulis kaya binaril na siya ng isa pang pulis at tinamaan sa ulo.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Department of Education sa pamilya ng biktima, at mariing kinondena ang ginawang pagpatay sa bata.
“The Department of Education (DepEd) deplores the murder of a 10-year-old learner in Tupi, South Cotabato as she was heading home from school. DepEd extends its deepest condolences to the bereaved family, friends, and classmates of the victim during this time of grief,” ayon sa pahayag. — FRJ, GMA Integrated News