Nauwi sa suntukan ang pagtatalo ng alkalde at bise alkalde ng Tobias Fornier sa Antique dahil sa delivery ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para umano sa mga residenteng apektado ng El Niño.
Sa ulat ni Adrian Prieto ng GMA Regional TV One Western Visayas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video ang pagtatalo nina Mayor Ernesto Tajanlangit III at Vice Mayor Jose Maria Fornier sa tabi ng isang delivery truck kung saan nakasakay ang mga food pack.
Nang sumakay si Fornier sa truck para paandarin ang sasakyan, sumakay din ang alkalde at nag-agawan sila sa susi.
Kinalaunan, lumipat ang dalawa sa likurang bahagi ng truck na nakabukas ang pinto at makikita ang kahon-kahon na food packs.
Sa isa pang video, isinara ng bise alkalde ang pinto ng truck at natamaan niya si Tajanlangit. Doon na nagpakawala ng suntok ang alkalde sa kaniyang bise alkalde.
Ang ugat umano ng sigalot, ang 800 family food packs na mula sa DSWD na ipamamahagi dapat sa mga residenteng apektado ng El Niño.
Sa pahayag na inilabas ni Fornier sa kaniyang social media account, sinabi niyang siya ang humiling ng mga food packs na ipamimigay sa mga residenteng hindi makakatanggap ng ayuda.
Nang bumalik umano ang truck mula sa bayan ng San Jose, hinarang ito ng grupo ng alkalde sa Barangay Balud sa Tobias Fornier, kung saan nangyari ang kanilang pagtatalo.
Sinubukan ng news team na makapanayam ang alkalde pero hindi siya tumugon.
Iginiit naman ni Tajanlangit, hindi nasunod ang proseso sa pamamahagi ng food packs kaya ito pinigilan.
Ayon pa sa alkalde, nang puntahan ang bodega kung saan dadalhin umano ang mga food packs, may nakita pang 1,000 kahon.
"Ang 1,000 naman, hindi maipaliwanag ngayon kung papaano nila naipasok at itinago sa bodega ng irrigators," sabi ni Tajanlangit. —FRJ, GMA Integrated News