Naaresto na ng mga awtoridad sa Dipolog City, Zamboanga del Norte nitong Lunes ang taong bumaril umano sa broadcaster na si Juan "DJ Johnny Walker" Jumalon. Binaril at napatay habang naka-live broadcast noong Nobyembre 2023 sa Misamis Occidental ang biktima.
Sa pahayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), kinilala nito ang suspek na si Jolieto Dumaog Mangumpit alyas ‘Ricky,’ na naaresto sa Dapitan ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ng Misamis Occidental at Zamboanga del Norte police.
Mayroong nakabinbing arrest warrant laban kay Mangumpit sa kasong pagpatay na inilabas ni Judge Michael Lotao Ajoc ng Misamis Occidental Regional trial Court (RTC) Branch 36.
"This case is as good as completely solved," sabi ni PTFoMS executive director Usec. Paul Gutierrez.
Ayon kay Misamis Occidental Provincial Police Office director Police Colonel Dwight Monato, mayroon pang walong arrest warrant laban kay Mangumpit para sa iba pang kaso ng murder, frustrated murder, direct assault, at violation of the anti-drug law, at nakalista rin bilang isa sa mga most wanted criminal sa lalawigan.
Nobyembre 2023 nang barilin si Jumalon, 57-anyos, habang nagpoprograma sa kaniyang bahay sa Calamba, Misamis Occidental.
Nagkunwari ang mga suspek na may mahalagang iaanunsiyo sa programa ni Jumalon kaya pinayagan silang makapasok sa gate.
Isa sa mga salarin ang pumasok sa bahay at binaril ang biktima habang naka-ere sa kaniyang programa.
Nitong nakaraang Marso, sinabi ng PTFoMS na dalawa sa tatlong suspek sa pagpatay kay Jumalon. Kinilala ang mga ito na magpinsang Boboy Sagaray Bongcawel at Renante Saja Bongcawel.
"We are optimistic that given the weight of evidence against them, they would be convicted by the court," ayon kay Gutierrez. —FRJ, GMA Integrated News