Dinagsa ng mga tao ang Kadiwa store sa Ligao, Albay na may ibinebentang bigas sa halagang P20 kada kilo.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernrs, sinabing ang pagbebenta ng murang bigas ay mula sa programa ng National Irrigation Administration (NIA).
Kabilang sa mga pumila sa Kadiwa store ay mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon sa opisyal ng NIA doon, layon ng naturang programa na tulungan ang mga mahihirap na makabili ng murang bigas, at matulungan din ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili sa kanilang ani. --FRJ, GMA Integrated News