Kalunos-lunos ang sinapit ng magkapatid na apat na taong gulang at isang-taong-gulang matapos silang madaganan ng malaking bato habang nasa gilid ng isang ilog sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, sinabing nasawi ang isang-taong-gulang na biktima na isang babae, habang sugatan at kailangang operahan ang apat na taong gulang niyang kapatid na lalaki.

Sa video, makikita ang ilang kalalakihan na nagtutulong-tulong upang maiangat ang malaking bato na dumagan sa magkapatid.

Pero dahil sa laki at bigat nito, kinailangan ang backhoe para maiangat ang bato. Sa kasamaang-palad hindi na nailigtas ang buhay ng isang biktima.

Nangyari ang trahediya sa Barangay Astorga, Sta. Cruz, Davao del Sur nitong Linggo ng umaga habang naliligo at naglalaba sa ilog ang pamilya.

Nasa gilid lang noon ng ilog ang mga biktima nang bigla na lang gumalaw ang malaking bato at dumausdos sa kinaroroonan ng magkapatid.

Nanawagan ng tulong ang pamilya ng mga biktima para sa pagpapalibing ng isang bata, at sa gastusin sa ospital ng isa pa.

Nangako naman ang mga opisyal ng barangay na magbibigay sila ng tulong sa pamilya ng magkapatid. --FRJ, GMA Integrated News