Dalawang senior citizen na babae ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Cebu at Camarines Sur. Ang isa sa mga biktima, bumalik umano sa nasusunog na bahay dahil sa naiwang pera.
Sa ulat ni Niko Serreno sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing isang 74-anyos na lola ang nasawi nang masunog ang kaniyang bahay sa Barangay Poblacion sa Sogod, Cebu nitong Lunes ng gabi.
Mag-isa lang umanong nakatira sa bahay ang biktima na pinagtulungan ng mga kaanak at kapitbahay na sagipin.
Nadala pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala na tinamo.
"Sunog na sunog ang katawan, nagsuka na siya ng dugo at hindi na mahawakan ang katawan dahil sa sobrang init," ayon kay Hannah Maria Good Pacana, apo ng biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng sunog na posible umanong sa koneksiyon sa kuryente.
Sa hiwalay na ulat naman ni Cris Novelo, isang 63-anyos na babae rin ang nasawi matapos makulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay San Juan sa Canaman, Camarines Sur.
Nagtamo rin mga paso sa katawan ang mister ng biktima.
Batay sa impormasyon na nakalap ni Senior Fire Officer 4 Melchor Villanueva, Officer-in-Charge ng Canaman Bureau of Fire Protection, bumalik umano sa nasusunog na bahay ang biktima para kunin ang naiwang pera.
Sa kasamaang palad, hindi na siya nalabas pang muli.
Ayon kay Arvin Fuerte, kaanak ng biktima, natutulog sila at galing sa reunion kaya hindi nila kaagad napansin ang sunog.
Faulty electrical wiring ang isa sa tinitingnan ng mga awtoridad na dahilan ng sunog.-- FRJ, GMA Integrated News