Namangha at nagkagulo ang mga tao sa Pandawan Fish Port sa Mercedes, Camarines Norte matapos malambat ng mga mangingisda ang isang higanteng Lapu-lapu, na unang beses nilang nakita sa kanilang lugar.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ng GMA Integrated Newsfeed, umaabot sa 200 kilos ang bigat ng isda at kanilang naibenta sa halagang P27,000.
Kabaligtaran naman ang naranasan ng mga mangingisda sa Bulan, Sorsogon, na nakaranas ng pagkalugi matapos masira ang kanilang banye-banyerang tamban at itinapon na lang nila sa dagat.
“Pagpunta namin sa buyer ng isda namin, sabi nag-stop buying na raw po kaya medyo nawalan na kami ng pag-asa sa mga natira naming isda,” sabi ng isang mangingisda.
Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na tumigil muna ang mga canning factory sa pagbili ng tamban dahil sa tigil-operasyon ngayong Semana Santa.
Nagkaroon din ng oversupply ng tamban.
“Bago sila mag-stop buying, may schedule talaga itong mga processor ngayong holiday season ‘yung mga company na Thursday ay magsasara na. Na-inform na sila tungkol sa sitwasyon. Siyempre, babawasan ang requirement kaya nagkaroon siguro ng ganitong surplus,” sabi ni Ariel Pioquinto ng BFAR Bohol.
May mga nagbebenta pa rin ng tamban sa fish port ngunit hanggang P100 kada banyera ang presyo nito.
Gayunman, umaasa ang mga mangingisda na makababawi sila sa kanilang kita pagkatapos ng Semana Santa. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News