Dinala sa beterinaryo isang pusa na nakitang may tama ng pana sa Davao City.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Huwebes, sinabing isang concerned citizen ang nagdala ng pusa sa beterinaryo para maoperahan.
Bagaman naging komplikado ang operasyon dahil may parte ng utak ng pusa ang tinamaan ng pana, naging matagumpay ang gamutan at nasagip ang buhay ng pusa.
Hindi pa batid kung sino ang pumana sa pusa.
Hindi naman nakaligtas ang isang alagang pusa sa Naga City na nakitang patay sa isang eskinita.
Hinala ng may-ari sa pusa, sadyang may humampas sa kaniyang alaga para mamatay.
Ayon sa mga residente, ilang insidente na rin ng pagpatay sa pusa ang nangyari sa lugar.
Inaalam pa ng mga opisyal ng barangay kung sino ang nasa likod ng mga pagpatay sa pusa na isang uri ng animal cruelty na ipinagbabawal sa batas.--FRJ, GMA Integrated News