Tatlong tao na sakay ng dalawang motorsiklo ang nasawi matapos silang salpukin ng isang jeepney na nawalan umano ng preno sa Ternate, Cavite.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nahuli-cam ang mabilis na arangkada ng jeep na napunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan niya nahagip ang dalawang motorsiklo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Staff Sergeant Gerlyn Nicolas, ng Philippine Marines, na sakay ng isang motorsiklo; at ang magkaangkas sa isa pang motorsiklo na sina Gregorio Salazar, 54, at Caledonia Gutierrez, 40.
Ayon sa driver ng jeepney, sinuri naman niya ang kondisyon ng kaniyang sasakyan bago niya ito ginamit.
Pero hinanakit ni Jenny Audrey Nicolas, asawa ni Gerlyn, makikitang mabilis ang patakbo ng jeep.
“Sinasabi lang niyang aksidente pero dun sa video napakabilis niya napakabilis niya... Hindi pwedeng sabihing aksidente,” ayon sa ginang.
Hindi rin matanggap ng asawa ni Gregorio na si Myrna, ang sinapit ng kaniyang kabiyak sa buhay.
“Masakit na masakit po. Hindi ko kaya, hindi po namin kayang tanggapin. Masakit sa dibdib po. Siya lang po ang aming inaasahan,” pahayag niya.
Dobleng pasakit naman sa kapatid ni Caledonia na si Merlina ang nangyari dahil sa problema na kaniyang kinakaharap.
“Pagdating po talaga ng ospital na private kapag wala po tayong perang mahihirap wala po talaga tayong maaasahan,” ayon kay Marlina.
Humihingi naman ng patawad ang driver ng jeep sa nangyari. Paliwanag niya, naghahanap siya ng lugar kung saan niya ibabangga ang kaniyang sasakyan pero nagkataon na nakasalubong niya ang dalawang motorsiklo.
“Patawarin na lang niya ako. Bagay diko naman talaga sinasadya na ganyan ang mangyayari. Hindi ko ginusto. Hindi ako mamamatay-tao rin dahil ang pinoproteksyunan ko yung mga sakay ko rin,” paliwanag niya.
“Kaya pasensya na po kayo sa akin tsaka hindi ako nagsisinungaling na walang preno ang sasakyan,” dagdag pa niya.
Mahaharap ang driver sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicides at damage to property. —FRJ, GMA Integrated News