Patay ang isang jail guard matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang sasakyan habang papasok sa Provincial Jail sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, si Jayson Parchamento, 45-anyos.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang salarin na sakay ng motorsiklo na ipinarada ang kaniyang sasakyan nang paparating na ang biktima na sakay ng kotse.
Maya-maya pa, tumakbo na ang salarin papunta sa kotse ng biktima at doon na niya pinagbabaril si Parchamento.
"Mayroon na tayong mga suspek [o] mga persons of interest... Nagkulang talaga kami sa pagbibigay ng seguridad," sabi ni Police Colonel Darnell Dulnuan, Acting Provincial Director, Ilocos Sur Provincial Police Office (PPO).
Pero matapos ang insidente, may isa pang isyu na lumutang makaraang mapag-alaman na dating pulis si Parchamento na nasibak sa serbisyo, at naging Prison Guard 3 sa provincial jail noong 2022.
Nais ngayong malaman ni Ilocos Sur Governor Jerry Singson kung papaano naging prison guard si Parchamento na hindi dapat nangyari dahil nasibak ito sa pagiging pulis.
"Hindi dapat [siya itinalaga]... ngayon, pinaiimbestigahan ko kung paano nakapasok ito sa Provincial Government, under my watch. Tinanong ko din si Provincial Warden, during my term daw nakapasok ito sa PGIS [Provincial Government of Ilocos Sur], kaya tinitignan ko kung sino ang pumirma para makapasok siya,” sabi ni Singson.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa krimen at kung may kinalaman sa kaso ang dating trabaho ng biktima.--FRJ, GMA Integrated News