Sumailalim na sa operasyon sa Tacloban, Leyte, ang dalawang-taong-gulang na babaeng nilapa ng apat na aso sa Calbiga, Samar.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, inilahad ng ina ng bata na dinala na sa operating room ang kaniyang anak dakong 2 p.m. nitong Lunes.
Bago nito, nanatili muna sa intensive care unit ng ospital ang bata matapos siyang matanggalan ng kaliwang tainga at magtamo ng mga sugat sa mukha.
Ipinangako ng may-ari ng mga aso na tutulong siya sa gastos sa ospital at iba pang pangangailangan ng bata.
Nagbigay naman ng paalala ang isang animal welfare group tungkol sa tamang pag-aalaga sa mga aso.
“Sa batas po natin, sa Anti-Rabies Act of 2007, dapat po i-make sure natin ang ating mga alagang hayop ay nasa loob ng kanilang mga bahay. Nasa loob lamang ng kanilang mga bakuran at kung sila ay lalabas, sila po ay dapat nakatali or naka-leash,” sabi ni Isay Halaba ng Animal Kingdom Foundation.
“Sa mga panahon na ‘yun, iyak na lang ako nang iyak at pilit na kinakarga si ****** habang ako’y nanginginig sa takot sa kaawa-awang sitwasyon ng bata,” sabi naman ng nanay ng bata.
Bago mangyari ang trahedya, sinundan ng biktima ang kaniyang ina na pumasok sa trabaho ngunit naligaw ito.
"Siguro yung bata naligaw na, napunta na doon sa farmland ng owner ng dog. Around 4:30 p.m. na, doon na nila na-discover sa area sa may piggery, may open field, andun na yung, maraming sugat," ayon kay Police Colonel Orlando Oloro, imbestigador ng Calbiga Municipal Police Station. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News