Natagpuang inabandona ang isang sanggol sa isang simbahan sa Pili, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV footage ang pagdating ng isang sasakyan sa labas ng isang simbahan.
Nauna munang bumaba ang isang lalaki, hanggang sa sumunod ang isang babae na may bitbit na sanggol at pumasok sila sa simbahan.
Ilang saglit pa, naglakad papunta sa gilid na bahagi ng simbahan ang babae at dala-dala pa niya ang sanggol.
Pero nang muli siyang makita sa CCTV, wala na ang bata.
Natuklasan ng mga tauhan ng simbahan ang sanggol na umiiyak sa kumpisalan.
Dinala ang bata sa Rural Health Unit upang ipa-check up. Kalauna'y itinurn over ang bata sa Municipal Social Welfare and Development.
Nasa maayos namang kalagayan ang sanggol.
Sinusubukan pa ng pulisya na maghanap ng mas malinaw na CCTV footage upang matukoy ang mga nag-iwan sa kaniya. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News