Nasawi ang isang 39-anyos na rider matapos na sumemplang ang kaniyang motorsiklo at nagulungan siya ng kasunod na bus sa Sto. Tomas City, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang aksidente sa Maharlika Highway sa Baangay San Miguel sa bayan ng Sto Tomas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binabagtas ng biktima na residente ng Alaminos, Laguna, ang highway nang bigla na lang siyang sumemplang.
"Madulas po ang kalsada habang nagbibiyahe po yung dalawang sasakyan [motorsiklo at bus]," ayon kay Police Major Emil Mendoza, Deputy Chief, Sto Tomas City Police.
"Yung driver [ng motorsiklo] ay tumalsik sa gitna mismo ng kalsada habang ito naman pong tourist bus ay hindi na nakapag-preno at nabangga itong driver ng motorcycle," patuloy niya.
Nauwi na sa Laguna ang mga labi ng biktima, habang nakalaya ang driver ng bus matapos na magkaroon ng kasunduan sa pamilya ng rider.
Gayunman, sinabi ni Mendoza na nais ng pamilya ng rider na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa driver ng bus dahil hindi umano ito sumunod sa napagkasunduan.
Sinisikap pang makuha ang panig ng driver ng bus at pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News