Umakyat na 15 katao ang nasawi nang mahulog sa bangin ang isang truck sa Mabinay, Negros Oriental.
Sa ulat ni Futch Inso ng Super Radyo Cebu nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente dahil 1:46 p.m. sa pakurbang bahagi ng national highway sa Barangay Bulwang.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing nasa 100 metro ang lalim ng pinagbagsakan ng truck.
Ayon kay Jun Caraell, responder mula sa Mabinay Disaster Risk Reduction and Management Office, lumalabas sa paunang impormasyon na may napansin problema sa sasakyan pero ibiniyahe pa rin.
Dinala sa ospital ang mga nakaligtas, habang patuloy pa ang imbestigasyon kung bakit nahulog ang truck sa bangin.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Police Major Nelson Lamoco, hepe ng Mabinay police, na umakyat na sa 15 ang nasawi sa trahediya.
Dalawa pa umano ang malubha ang tinamong pinsala, ayon kay Lamoco, habang inaalam pa ang kondisyon ng iba pang biktima.
Sinabi rin ng mga opisyal na nag-aalaga ng hayop ang mga sakay ng truck at pabalik na sa Dawis sa Bayawan City nang magkaaberya ang kanilang sinasakyan.
"Marami po, sir. According sa mga pamilya, nakausap po natin kanina, parang mayroon silang mga puhunan, kaunting puhunan sir, at doon sila bumili ng baboy. Pagkatapos nakabili ng baboy, dito nila isinakay... sa vehicle sir," ani Lamoco. — FRJ, GMA Integrated News