Isang bangkay ng lalaki na sunog ang ilang bahagi ng katawan ang nakita ng mga rumespondeng bumbero sa grass fire sa San Luis, Batangas.
Sa ulat ni Hazel Alviar sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing 85-anyos ang biktima na residente ng Barangay Taliba, kung saan nangyari ang sunog.
Ayon sa San Luis Bureau of Fire Protection, dakong 2:00 pm nitong Martes nang makatanggap sila ng tawag kaugnay sa grass fire na nagaganap.
Nang puntahan ang sunog na tinatayang may lawak na 500 metro, nakita na ang bangkay ng biktima, na residente sa lugar.
Mga kawayan ang nakatanim sa pinangyarihan ng sunog na nasa likod ng bahay ng biktima.
Ayon sa awtoridad, posibleng na-suffocate ang biktima kaya natumba at hindi na nakabangon.
Nakita rin umano ng ilang residente ang biktima na naglilinis sa lugar bago nangyari ang sunog. Pero hindi pa matukoy ng mga imbestigador kung ang biktima ang nagsindi ng apoy bagaman may hawak daw ito ng kalaykay.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya habang sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News