Matapos makuha ang loob dahil sa matatamis na salita, pinuntirya na ng suspek ang pera ng isang 70-anyos na biyudang lola sa Davao city na nabiktima ng love scam.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, ikinuwento ng biktima na nakilala niya sa social media ang suspek na nagpapadala sa kaniya ng matatamis na salita gaya ng "I miss you, I'm dying for you."
Sabi pa ng biktima, naging ka-chat niya simula lang nitong Disyembre ang suspek na nagpakilalang US citizen.
“Sabi niya, 'I'm going to the Philippines to marry you,'" kuwento pa ng biktima.
Lalo namang nagkainteres ang lola sa suspek dahil sa kagustuhan niyang makapunta sa Amerika para makasama ang kapatid na naninirahan doon.
Dito na kunwaring nanghiram ng pamasahe ang suspek papuntang Pilipinas at nangakong babayaran ng triple.
Paunti-unting nagpadala ng pera ang biktima sa suspek na umabot sa mahigit P60,000.
Humingi pa ng dagdag P30,000 ang suspek pero napansin na ito ng apo ng biktima at natuklasan na Pilipinas lang address na pinapadalhan ng kaniyang lola.
Idinahilan pa raw ng scammer na address ng ahente niya sa Pilipinas ang nakita ng apo ng biktima.
Lumitaw na kakilala ng kaibigan ng apo ang naturang nakapangalan sa address. Dahil dito, dumulog na ang mag-lola sa Regional Anti-cybercrime Unit Region 11 ng Philippine National Police.
"Kapag once ang ka-chat ay nag-demand na po ng pera at gumagawa ng kung anu-anong dahilan, hindi lang pera meron pang gamit na ipinangakong ipapadala sa'yo. Yung iba diyan nagpapanggap lang na foreigner, kapag nag-request na magpadala kayo ng pera gagamit na po ng ibang tao, mag-isip-isip na po tayo," paalala ni Police Colonel Ricardo Punzalan, chief, RACU-11.
Iniimbestigahan na ang reklamo para mapanagot ang suspek na posibleng maharap sa reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act.-- FRJ, GMA Integrated News