Patay na at walang damit nang matagpuan ang isang batang babae sa madamong bahagi sa Garchitorena, Camarines Sur noong Lunes.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nakita ang bangkay ng 11-anyos na biktima sa Barangay Tamiawon.

Sa imbestigasyon, lumitaw na inutusan ng mga magulang ang biktima na umigib ng tubig noong Linggo pero hindi na siya nakauwi.

Hanggang sa nakita ang bangkay ng biktima kinabukasan na nakadapa sa damuhan, walang damit, at may sugat din sa mukha.

Isasailalim sa pagsusuri ang bangkay ng biktima upang malaman ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at mayroon na rin umano silang person of interest.--FRJ, GMA Integrated News