Nagpaulan ng mga bote, bato at "molotov" ang mga residente na pumalag sa gagawing paggiba sa kanilang mga bahay sa isang sitio sa Angeles City, Pampanga. Ang demolition team at mga pulis, napaatras.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, makikita na nagmistulang war zone ang bahagi ng Sitio Balubad sa Barangay Anunas dahil sa tindi ng inabot na pambabato ng mga pulis at demolition team mula sa mga galit na galit na residente.
Dalawang araw na ang tensyon sa naturang lugar kung saan mahigit 500 bahay ang apektado ng demolisyon, ayon sa asosasyon ng mga nakatira roon.
Nagsimula raw ang gulo ng pasukin ng demolition team ang bagong tayong bahay ng Australyanong si Peter Groll.
Sugatan si Groll nang ipagtanggol ang karapatan sa bahay, marami rin daw gamit ang nawala sa kaniya.
Plano niyang gumawa ng legal na hakbang laban sa demolition team na pinagtulungan daw siya.
"I believe even humanity what they've done is illegal. You cant take someone at the house and demolish the house," giit niya.
Nanawagan ang mga residente kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos na tulungan sana sila.
"Sana po matulungan naman po kami sa matagal na naming problema sa Balubad," naluluhang pakiusap ni Jing Padilla. "Matagal na po wala po ni isa na bumababa dito para tingnan man lang ang kalagayan namin."
Panahon ng pandemya nang nalaman umano ng mga residente na nakansela ang kanilang mga CLOA o Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na ibinigay sa kanila noong termino nina dating pangulong Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo.
"Ang ipinagtataka po namin kung bakit na-cancel the time po of pandemic. Hindi rin po na inform yung mga farmers namin kung bakit na-cancel ang mga hawak nilang CLOA," ayon kay Mary Joy Paragas, secretary, Sitio Balubad Homeowners and Farmers Association.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Gener Endona, legal counsel ng Clark Hills Properties Corporation, 1997 pa umano nagsimula ang kaso sa lupain.
Noong 2013, kinansela umano ng Korte Suprema ang CLOA nang matukoy na hindi agricultural kundi residential ang klasipikasyon ng lugar.
Noong 2022, naglabas ang korte ang writ of demolition.
Sabi naman ng Sheriff ng Department of Agriculture ng Pampanga, na ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin.
"Dumaan po 'yan sa Supreme Court may finality na po 'yan. 'Yung mga na-issue po na titulo na canceled na po yan," ayon kay Elizabeth Marasigan, Sheriff, DAR Region 3. "Ang masasbi ko lang po ministerial lang po ang trabaho ng sheriff to implement the writ of execution and writ of execution issued May 6, 2022. Dumaan po ito sa tamang proseso at saka wala pong TRO (temporary restraining order) para mag-stop ang Sheriff."
Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Angeles City, itutuloy nila ang pamamahagi ng lupa dahil hindi umano sumunod ang pamunuan ng Clark Hills sa napag-usapan na itigil muna ang demolisyon.
Sinusubukan pang makuhanan ng panig ang Clark Hill kaugnay sa sinabi ng lokal na pamahalaan ng Angeles.-- FRJ, GMA Integrated News