Patay ang isang babae matapos siyang magulungan ng truck sa Pulupandan, Negros Occidental.

Naputulan naman ng daliri ang kanyang mister, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Sakay ng tricycle ang 48-anyos na biktima at ang kanyang asawa nang mangyari ang aksidente.

Bahagya raw lumipat sa kabilang linya ang isang nakasalubong na 10-wheeler truck para iwasan ang isang sanga sa daan.

Hindi agad nakapagpreno ang isang jeep na nasa likod ng tricycle, at nabangga nito ang sinasakyan ng mag-asawa.

Tumilapon ang biktima at nagulungan ng truck.

Isinugod sa ospital ang mag-asawa ngunit hindi na umabot ng buhay ang babae.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga driver ng truck at jeep na maaaring maharap sa mga kaso. —KG, GMA Integrated News