Labis ang pighati ng isang single mom na overseas Filipino worker sa sinapit ng kaniyang pitong-taong-gulang na anak na nasawi matapos aksidenteng mabaril ng kaniyang kalaro na 10-taong-gulang sa Sta. Cruz, Davao Del Sur.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa isang farm sa Barangay Astorga noong Enero 27.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Sta. Cruz Police Station Chief, Lieutenant Colonel Kristopher Sabsal, na naglalaro ang dalawa nang may makitang baril ang mas matandang bata na inakala niyang laruan.

"To his curiosity sa katong bata nga suspek, iyang gikuha ang pusil ug gi-aim sa iyang kadula nga biktima kay nagtuo siya usa lang to nga toy gun,” ayon kay Sabsal.

Pumutok ang baril at nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang biktima na si Gabriel Jay Cabisa, na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sa social media, nag-post ang nagdadalamhating ina ni Gabriel na si Mery Joy Flores, dahil hindi rin siya makauwi sa Pilipinas dahil sa kakulangan ng pera.

Ayon sa pulisya, nagkausap na ang dalawang pamilya at hindi na magsasampa ng kaso ang kampo ng biktima.

Iniuwi na ang mga labi ng biktima sa Magpet, Cotabato, habang nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang batang nakabaril para isailalim sa counseling.-- FRJ, GMA Integrated News