Suwerteng nakaligtas ang isang third-year college student na babae na nahulog mula sa sinasakyang tricyle at muntik pang magulungan ng truck sa Pavia, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules sa Barangay Pagsangaan.

Ayon sa driver ng tricycle na si Joel Claud, nagse-cellphone umano ng biktima nang mapadaan sila sa lubak-lubak na bahagi ng kalsada at doon na nahulog ang estudyante,

Ngunit ayon sa driver ng truck, mabilis ang takbo ng tricycle at nakita ang pagtilapon ng biktima kaya kaagad na nag-break para hindi masagasaan ang babae.

Dinala sa pagamutan ang biktima na maayos na ang kalagayan.

Paaalala ng mga awtoridad sa mga motorista, iwasang magmaneho nang mabilis lalo na kung hindi maganda kondisyon ng kalsada.

Pinayuhan din ang mga pasahero laging kumapit nang mabuti para sa kanilang kaligtasan.-- FRJ, GMA Integrated News