Patay ang isang barangay kagawad sa San Ildefonso, Bulacan matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Nakilala ang biktima na si Joel Alvaro, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-nuwebe ng gabi nitong Sabado.

May dumating daw na dalawang lalaki sa karinderya ng biktima.

Bigla na lang bumunot ng baril ang isa sa mga ito at pinaputukan ang biktima.

Agad tumakas ang dalawang lalaki.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang kanilang motibo sa krimen. —KG, GMA Integrated News